Away sa koneksyon ng kuryente…
ANTIPOLO CITY, Philippines — Hindi na umabot nang buhay ang 55-anyos biyuda nang pasukin at tarakan ng kutsilyo sa dibdib ng kapitbahay na nakaalitan dahil sa iligal na koneksyon ng kuryente, dito sa lungsod, lalawigan ng Rizal nitong Huwebes ng gabi.
Dead-on-arrival sa Mambugan Hospital sa Antipolo City ang biktimang si Susan Legita, residente ng Barangay Mambugan, ng nasabi ring lungsod.
Arestado naman ang suspek na si alyas “Jes”, 27-anyos, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ng Antipolo Component City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi nitong Enero 23, sa mismong bahay ng biktima.
Mismong ang mga tauhan ng nakakasakop na barangay ang umaresto at nag-turn-over sa suspek sa Police Community Precinct 1 ng Antipolo City Police.
Sa imbestigasyon, lasing umano ang suspek nang magtungo sa bahay ng biktima at doon ay pinagtatadyakan ang pintuan kasabay ng mga sigaw at pagmumura.
Inawat ng mga kapitbahay ang suspek hanggang sa makalabas ng bahay ang kasama ng biktima, at naiwan ang huli sa loob kaya nagkaroon ng pagkakataon na saksakin siya sa dibdib ng suspek gamit ang isang 12-pulgadang kutsilyo.
Nag-ugat umano ang insidente dahil sa dati nang alitan ng pamilya ng biktima at suspek hinggil sa iligal na koneksyon ng kuryente.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek sa reklamong murder.