COTABATO CITY, Philippines — Nagtamo ng mga sugat ang secretary ng isang incumbent vice mayor na kandidato sa pagka-mayor ng Parang, Maguindanao del Norte nang pasabugan ng granada ng ‘di pa kilalang suspek ang kanyang tahanan nitong madaling araw ng Biyernes.
Sa inisyal na ulat nitong umaga ng Biyernes ng mga opisyal ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, ginagamot na sa isang ospital ang biktima na si Aira Abedin sa tinamong mga shrapnel wounds sanhi ng pagsabog ng granada sa loob ng kanilang bakuran sa Barangay Nituan, Parang.
Ayon sa mga imbestigador ng Parang Municipal Police Station, si Abedin ay secretary ni Parang Vice Mayor Adnan Biruar na kandidato sa pagka-mayor ng naturang bayan.
Mismong sa gilid ng silid ni Abedin bumagsak at sumabog ang granadang inihagis ng isang lalaki mula sa labas ng kanilang bakuran, ayon sa mga kapitbahay ng biktima.