Hirit na TRO ng suspended mayor sa Abra, ibinasura

BAGUIO CITY, Philippines — Ibinasura ng Abra Regional Trial Court Branch 1 ang petisyon ni suspended Pidigan, Abra Mayor Domino Valera para sa Temporary Restraining Order (TRO) upang hadlangan ang kanyang 60-araw na suspensyon na ibinaba ng Sangguniang Panlalawigan (SP).

Sa desisyon ni Abra RTC Branch 1 Judge German E. Ballesteros III, pahihintulutan lamang ang TRO, aniya, kung ang isyu ay maituturing na may kaugnayan sa “extreme urgency” kung saan magreresulta sa “grave injustice at irreparable injury.”

Paliwanag ni Judge Balleteros III, bigo si Mayor Valera na patunayan na may “urgency” para sa aplikasyon nito ng TRO at hindi rin napatunayan ang posibilidad ng “grave at irreparable injury” upang bigyang hustisya ang kahilingang maglabas ng TRO kung kaya “denied for lack of merit” ang kanyang petisyon.

Binigyan-diin pa ng korte na ipagpapatuloy ang pangunahing kaso para sa Certiorari makaraan ang pagsumite ng mga “initiatory plea­dings” ng dalawang panig.

Upang mapigil ang suspension, naghain ng Petition for Certiorari si Valera noong Enero17, 2025 kaakibat ng aplikasyon para sa TRO at Writ of Preliminary Injunction laban sa Abra SP; kina acting Abra Governor Russel M. Bragas at sa tatlong nagreklamong kawani na sina Arnulfo Bisares, Melvin Dumlao at Jumel Chong, dahil sa hindi umano ito nabigyan ng “due process”.

Nagreklamo ang tatlong kawani dahil sa hindi pagpapalabas nina Valera at Municipal Treasurer Apollo Palecpec ng kanilang mid-year at year-end bonuses na may isang buwang sahod at P5,000 cash gifts.

Hindi naman sinuspinde ng SP si Palecpec dahil ayon sa korte, upang maipursige, kinakailangan ng “written complaints” na ipinila sa tanggapan ng Bureau of Local Government Finance sa ilalim ng Department of Finance.

Unang inirekomenda ng SP ang 60-days preventive suspension laban kay Valera sa isang resolusyon dahil sa reklamong “grave misconduct, conduct unbecoming of a public officer, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Code of Ethical Standard for Public Office”.

Show comments