2 graduating senior HS students nalunod sa talon
MANILA, Philippines — Kapwa patay ang graduating senior high school students nang maligo kasama ang dalawa pang kaklase, sa Ungga Falls sa Baras, Rizal, Lunes ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas “James Andrei”, 17 anyos; at “John Mike”,18, mga residente ng Cupang, Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng Region 4A Police, ang apat na magkaklase ay nagkayayaan na maligo sa nasabing Talon, sa Barangay San Salvador alas-3:00 ng hapon noong Enero 20.
Nabatid na galing sa eskwelahan ang mga biktima matapos makuha ang kanilang medical certificate para sa kanilang work immersion.
Agad na tumalon sa tubig umano si James Andrei, sa kabila umano ng babala ng mga kaklase na may bahagi ng falls na masyadong malalim.
Maya-maya ay nakita na nagkakawag na si James Andrei kaya agad na lumusong umano si John Mike para tulungang makaahon subalit siya man ay nalunod na rin.
Ipinaalam sa mga otoridad ang pangyayari na agad namang nagsagawa ng rescue operation subalit natagalan ng ilang oras bago pa tuluyang natagpuan sa malalim na bahagi ng tubig ang dalawa bunsod naman ng napakalas na agos.
“Nakita na lamang siya na nagkakawag at humingi ng saklolo. Siya naman po ay sinaklolohan ng kaniyang kaklase. Parehas na po sila napunta sa medyo malalim. Sa kasamaang palad, itong apat na magkakaklase ay hindi naman po pala ganoon na marunong lumangoy,” ayon kay Police Major Robert Papa, hepe ng Baras Police.
Isinugod pa sa pagamutan ang dalawa subalit idineklarang dead-on-arrival.
- Latest