Tropa ng pamahalaan,inambus: 2 sundalo, 2 lawless groups patay
MANILA, Philippines — Dalawang sundalo at dalawa rin sa mga umatakeng armadong grupo ang nasawi habang 12 pa sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng lawless armed groups sa naganap na madugong insidente sa Brgy. Lower Cabengbeng, Sumisip, Basilan nitong Miyerkules ng hapon.
Sa report ni Brig. Gen. Alvin Luzon, Commander ng Army’s 101st Infantry Brigade, kinondena nito ang pag-atake dahilan ang tropa ng Army’s 32nd Infantry Battalion (IB) ay nagsasagawa ng lehitimong security operation sa team ng United Nations Development Programme (UNDP) kaugnay ng ‘community engagement’ sa lugar.
Ayon sa opisyal, habang nagsasagawa ng security operation sa lugar ang tropa ng mga sundalo ay pinaulanan ang mga ito ng bala ng grupo nina Najal Buena at Oman Hajal Jalis; pawang kilala sa mga bayolenteng hidwaan o rido sa Basilan.
Samantala,hindi pa nakuntento ay sinunog rin ng lawless elements ang KM 50 light utility truck ng Philippine Army. Inihayag ni Luzon na tinarget ng mga attackers ang mga sundalo na idineploy sa lugar upang sumuporta sa peacebuilding mission ng mga kinatawan ng UNDP kung saan naganap ang insidente sa gitna ng election gun ban.
Dito’y napatay ang dalawang sundalo habang ang 12 nasugatan ay inilipat na sa Camp Navarro Hospital sa loob ng himpilan ng AFP-Western Mindanao Command sa Zamboanga City.
- Latest