MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P9.5 milyon halaga ng shabu sa dalawang mga dealers na nalambat sa Barangay San Miguel sa Iligan City nitong tanghali ng Miyerkules.
Sa pahayag nitong Huwebes ni Benjamin Gaspi, director ng PDEA-10, nasa kustodiya na nila ang mga suspects na isang babae at kasamang lalaki, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Agad na inaresto ng mga PDEA-10 agents ang dalawa matapos silang bentahan ng 1,400 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P9.5 milyon sa isang entrapment operation sa gilid ng isang bahagi ng Tibanga Highway sa Barangay San Miguel.
Maliban sa 1,400 gramo ng shabu, nakumpiska rin mula sa dalawang suspect ang isang Toyota Fortuner na gamit nila sa paghahatid ng kanilang illegal na epektos sa iba’t ibang lugar sa Iligan City at mga karatig na bayan sa probinsya ng Lanao del Norte.