MANILA, Philippines — Isang 41-anyos na lalaki at ang kaniyang 63-anyos na ina ang inaresto matapos matuklasan ang P170 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa kanilang sasakyan sa Pier 5, Cebu City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina ‘Edward’, truck driver mula Leyte at ‘Edna’ na residente sa Barangay Ermita.
Tumanggi umano ang mag-ina na sumailalim sa karaniwang inspeksyon gamit ang narcotic K-9 unit ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7) at iba pang ahensya sa seaport interdiction unit.
Nagresulta naman ang kanilang kahina-hinalang kilos sa pagpigil sa kanila ng mga otoridad. Na-detect ng K-9 dog na si ‘Bayani’ ang laman ng malaking kahon sa loob ng sasakyan.
Tumambad ang 25 pakete ng hinihinalang 25 kilo ng shabu at tinatayang nasa P170 milyon ang halaga.
Ayon sa isa sa mga suspek, naatasan lang sila ng hindi kilalang nag-utos na ihatid ang sasakyan mula Masbate patungong Cebu at hindi alam na droga ang laman ng kahon.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mag-ina at nakatakdang sampahan ng mga kasong kaugnay ng ilegal na droga.