3 batang babae papuntang iskul, dedo sa truck!

Ang isa sa tatlong batang estudyante na nasawi matapos na araruhin ng rumaragsang turck habang papunta sila sa kanilang paaralan sa San Fernando, Bukidnon nitong Martes.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang tatlong batang babae na naglalakad patungo sa kanilang paaralan nang araruhin ng isang humahagibis na truck sa isang bahagi ng highway sa Barangay Cayaga sa San Fernando, Bukidnon nitong Martes.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Gelaica Batawan, 7-anyos, Grade 2, kapatid nitong 5-anyos na isa ring mag-aaral, at si Jennylun Dawongan, 11, Grade 5 student; mag-aaral ng Cayaga Elementary School.

Sa pahayag ng mga opisyal ng Bukidnon Provincial Police Office at ng Police Regional Office-10 nitong Miyerkules, unang iniwan ng driver ng truck na si Reynaldo Algame Camaso, nang mabangga nito ang tatlong biktima ngunit sumuko rin siya kalaunan sa San Fernando Municipal Police Station.

Kinumpirma ni Major Christian Serdeña, police chief ng San Fernando, na nasa kustodiya na nila si Camaso at ang Mitsubishi Fuso truck nito na nakabundol sa tatlong mag-aaral na nagsanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Sa inisyal na imbestigasyon, patungo sa Cayaga Elementary School ang tatlong mag-aaral na biktima nang mabangga sila ng truck na minamaneho ni Camaso na nakabuntot sa kanila.

Ayon kay Serdeña, ilang saksi na nag-ulat sa mga imbestigador at barangay officials na nagresponde sa insidente na mabilis umano ang takbo ng truck nang mahagip ang mga biktima habang naglalakad sa may highway sa Purok 2B sa Barangay Cayaga, patungo sana sa kanilang paaralan. Imbes naman tulungan ang mga batang humandusay sa lugar, tumakas ang driver pero kalaunan ay sumuko sa nasabing himpilan ng pulisya.

Show comments