Sanggol gumulong, swak sa balde, tepok

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima na si John Andrei Tinapay, residente ng nasabing lugar.

MANILA, Philippines — Patay ang 1-taong gulang na sanggol matapos na hinihinalang gumulong hanggang sa mahulog at malunod sa isang balde ng tubig sa Barangay San Isidro, bayan ng Sagbayan, Bohol noong Martes ng umaga.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima na si John Andrei Tinapay, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa Sagbayan Police Station, naglalaro ang biktima sa labas ng kanilang bahay kasama ang kanyang mga kapatid nang mangyari ang insidente.

Wala naman ang mga magulang ng biktima na kasalukuyang nag-aalmusal sa bahay ng kanilang mga lolo’t lola na malapit lamang sa kanilang tahanan nang mang­yari ang insidente. Nadiskubre lang ito nang utusan ng mga magulang ang kanilang 5-taong gulang na anak upang tingnan ang sanggol na kapatid.

Dito na nakita ng bata ang nakababatang kapatid na nakasubsob ang ulo nito sa ilalim ng timba.

Ayon pa sa report, buhay pa ang biktima nang matagpuan ngunit pumanaw ito makalipas ang ilang oras matapos dalhin sa ospital.

Ang biktima ang ­bunso sa limang magkakapatid.

Show comments