MANILA, Philippines — Hinikayat ang Office of the Ombudsman ng mga nag-aakusa sa P89.41-million kasong plunder laban kay Cotabato City Mayor Mohammed Ali “Bruce” Matabalao at apat pang City Hall officials, na madaliin ang pag-iimbestiga upang maliwanagan ang mga botante sa darating na lokal na halalan sa Mayo.
Nahaharap sa paglabag sa Republic Act 7080, or anti-plunder law, si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao sa isang reklamo na nakabimbin sa tanggapan ng Ombudsman mula Agosto 30, 2024.
Kasama ring inakusahan sina Primitivo O. Glimada Jr., ang city accountant; Teddy U. Inta, city treasurer; Regina G. Detalla, city budget officer; and Ma. Adela A. Fiesta, city planning and development coordinator. Ang mga respondent ay inakusahan din ng paglabag sa Revised Penal Code dahil sa malversation sa ilalim ng Article 217, at falsification of public documents sa ilalim naman ng Article 171.
Ang reklamo ay isinampa nina Cotabato City Councilors ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Marouf A. Pasawiran, Abdulrakim O. Usman, Hunyn C. Abu, Kusin S. Taha, Henjie M. Ali, and Datu Noriel A. Pasawiran; at Mohamad L. Abubakar, Tato G. Esmail, Al-Jehad A. Tantungm, at Zhoher N. Anggar, mga residente ng naturang lungsod.
Nag-ugat ang kaso sa hindi maipaliwanag na pagkawala ng P81.421 milyong pondo para sa mga inaprubahang proyekto ng City Council sa ilang bahagi ng pautang na natanggap mula sa DBP na inaming natanggap ng mayor mula nang siya ay manungkulan noong 2022. Sa kanyang Statement of Indebtedness declaration for 2022 at 2023 sa Cotabato City Council, nakabayad na ng P52,599,083.32 sa principal na utang sa DBP mula sa inilabas na pondo ng lungsod na nagkakahalaga ng P118,534,198.69 million.
Idineklara pa ng mayor na savings ang natirang halaga at gagamitin ito sa iba pang proyekto ng lokal na pamahalaan, na sinang-ayunan naman ng konseho.
Subalit base sa DBP statement, P29,118,716.69 lamang ang naibayad, kaya may nawawala na P89,415.481.