Pulis sugatan sa pamamaril sa Dasmariñas City
CAVITE, Philippines — Isang pulis-Quezon na dating nakatalaga sa Dasmariñas City Police Station ang sugatan makaraang mabaril habang kasama ang kanyang kaibigan sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City.
Kasalukuyang inoobserbahan sa De La Salle University Medical Center ang biktima na kinilalang si PStaff Sgt. Elmer Rojas Belaro, 42-anyos, nakatalaga sa Infanta Quezon Municipal Police Station at residente ng Dasmariñas City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa Sitio Pintong Gubat, ng nasabing barangay, sa bahay ng kaibigan nito na si alyas “Joboy”.
Tinutulungan umano ng nasabing pulis si Joboy sa pag-aasikaso sa poultry animals nito na mga kambing, manok at iba pa.
Nabatid na nanakawan na umano si Joboy ng mga alaga at ang dalawang suspek na sina alyas “Kerby” at alyas “Adrian”, kapwa residente rin ng nasabing lugar, ang pinaghihinalaan nito na may kagagawan.Habang nag-uusap ang biktima at Joboy, dumating ang mga suspek at agad na pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa paa at hita.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek dala ang baril na ginamit sa krimen.
- Latest