MANILA, Philippines — Nagulantang ang mga motorista sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX) viaduct nang dalawang kabaong ang humambalang sa expressway, Martes ng gabi.
Sa pahayag ng motoristang si Noel Luartes, ilang metro lang ang layo nila sa insidente sa Pulilan Exit at pauwi na sila sa Pulilan galing sa Pampanga nang makita nila ang dalawang kabaong sa expressway.
“Nagbe-brake na ‘yung mga sasakyan tapos tinitingnan namin bakit ba. Sabi po ng anak ko ‘may nalaglag daddy mukhang may nalaglag’ tapos pagdating namin doon sa area na ‘yon may ataol na may kabaong na doon. Vinideohan na ng anak ko,” ani Luartes.
Napag-alaman na ang mga kabaong ay nalaglag mula sa isang closed van. Galing ang mga ito sa Pampanga at ide-deliver sa Marikina.
Natamaan pa ng kabaong ang bumper ng isang SUV na nakasunod noon sa closed van.
Humingi naman ng tulong ang driver ng SUV sa NLEX hotline para marespondehan ang insidente.