Barilan sa Laguna buy-bust: 2 na patay!

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isa pang drug suspect ang patay kung kaya umakyat na sa dalawa ang bilang ng mga casualties sa buy-bust operation ng pulisya na nauwi sa shootout at nag resulta sa pagkakasamsam ng may P13.6 milyong halaga ng illegal na droga sa Calamba City, Laguna nitong Lunes ng madaling-araw.

Kinumpirma kahapon ng Calamba City Police na nalagutan na ng hininga ang isa sa mga drug suspect na kinilala lang sa alyas “Awen”.

Ang kasabwat ni Awen na si alyas “Mark” ay dead-on-the-spot sa encounter site makaraan silang makipagbarilan sa mga pulis sa may parking lot ng gasolinahan nitong Lunes ng ala-1:55 ng madaling-araw saBarangay Turbina, Calamba City.

Ang mga kasamahan ng dalawang nasawing suspek na sina alias “Princess”, 31, isang civil engineer at alias “Kevin”, 45, kapwa High Value Individual targets, ay pawang naaresto habang isang alias Ron ang iniulat na sugatan sa engkuwentro.

Ang 6-anyos na batang anak ng isa sa suspek ay na-rescue rin ng pulisya at naipasa na sa Barangay Turbina women’s desk for temporary custody.

Magugunita na nakatunog ang mga suspek na mga pulis ang kanilang ka-deal sa bentahan ng droga kaya nila pinaputukan ang poseur buyer na nagbunsod ng barilan na ikinasawi ng dalawang suspek.

Nasamsam sa buy-bust operation ang P13.6 milyong halaga ng shabu, mga baril at bala, apat na cellphone, boodle money at isang Toyota Vios na gamit ng mga suspek sa illegal na transaction.

Show comments