Tindera niratrat sa Cainta Public Market, todas

MANILA, Philippines — Isang tindera ang patay nang pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin habang nagtitinda ng isda sa loob ng palengke sa Cainta, Rizal kamaka­lawa.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Noriel Raya, 40, ng Sitio Victoria Brgy. San Juan sa Cainta, bunsod ng mga tama ng bala na tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantala, nakatakas at pinaghahanap na ng awtoridad ang suspek na inilarawang nasa 5’6” ang taas, katamtaman ang laki ng katawan at nakasuot ng asul na t-shirt at itim na pantalon.

Lumilitaw sa ulat ng Cainta Municipal Police na alas-6:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa Cainta Public Market sa Brgy. Sto. Domingo sa Cainta.

Ayon sa testigong si alyas Jon, kasalukuyan silang abala ng biktima sa pagtitinda ng isda sa palengke, nang bigla na lang sumulpot ang suspek at kaagad na pinagbabaril ang biktima.

Nang matiyak na napuruhan ang target, mabilis na tumakas ang salarin, lulan ng isang motorsiklo, bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Show comments