Freezer-type van hinoldap: Driver todas, 2 helper sugatan

Agad namatay sa tama ng bala sa ulo ang driver ng ice cream freezer-type delivery van makaraang harangin at holdapin ng mga armadong lalaki sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Lunes.

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang driver ng isang freezer-type van na may kargang  ice cream products habang sugatan ang kanyang dalawang helper makaraan silang holdapin at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Timbangan sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Lunes.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Martes ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng mga barangay officials sa Timbangan, agad na namatay sa mga tama ng bala sa ulo ang driver na si Rey Balmores nang paputukan ng mga motoristang holdaper bago nila inagaw sa kanya at mga kasama ang isang bag na dala nila na may lamang malaking halaga ng kanilang cash collections.

Sa ulat ni Captain Jhoey Ryan Jacla, hepe ng Shariff Aguak Municipal Police Station, pauwi na sana sa Cotabato City ang nasawing si Balmores, residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte at mga kasamang sina Harris Ampatuan, taga Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, at si Reymond Bajas na taga-Masbate City, nang sila ay maharang ng mga holdaper na mabilis na nakatakas gamit ang kanilang mga motorsiklo.

Kakahatid lang ng mga biktima ng mga ice cream products sa mga contacts sa mga bayan ng Radjah Buayan at sa Sultan sa Barongis sa Maguindanao del Sur at pauwi na sila sa Cotabato City nang maharang at pagbabarilin ng mga motoristang holdaper sa Barangay Timbangan sa Shariff Aguak.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan sina Ampatuan at si Bajas sanhi ng walang habas na pamamaril ng mga holdaper na inaalam na ng local officials sa Shariff Aguak at ng mga imbestigador ng municipal police kung sinu-sino sila upang masampahan ng kaukulang mga kaso.

Show comments