CAVITE , Philippines — Isang lalaki na kapapasok lamang sa kulungan na nagtamo ng mga sugat sa mukha at ulo makaraang mapasabak sa rambol sa loob ng Gen. Trias Custodial Facility sa Brgy. Bagumbayan, Gen. Trias City, kamakalawa ng hapon.
Inoobserbahan pa rin sa Gen. Trias Medicare Hospital ang inmate na si alyas “Marjun”, 30-anyos, residente ng Brgy San Luiz 2. Dasmariñas City, Cavite, at may kasong droga.
Sa ulat ng pulisya, alas-2:50 ng hapon nitong Linggo nang ipasok si Marjun sa kulungan hinggil sa kasong drugs. Gayunman, agad siyang pinag-initan ng ilang preso sa loob at dakong alas-9:15 ng gabi habang naka-duty ang jail officers na sina Police Master Sergeant Lester Pangilinan at Patrolman Ryan Vizmanos nang bilang magkagulo ang loob ng selda.
Lumalabas na nagkaroon ng sagutan sa bagong pasok at sa dalawa pang preso na sina “Vyron” at alyas “Rowel”, kapwa ng Gen Trias City, Cavite at may mga drug cases din. Dito na sila nagkainitan hanggang sa mauwi ito sa suntukan at rambulan.
Bugbog sarado ang biktima na nagtamo ng malalalim na sugat sa ulo at mukha na agad na itinakbo sa naturang pagamutan.