20 baril isinuko ng mga residente sa Maguindanao
COTABATO CITY, Philippines — Nasa 20 pang baril ang nakolekta ng Philippine Army nitong Sabado makaraang isuko ng mga residente ng Talitay, Maguindanao del Norte bilang suporta sa isang disarmament program kaugnay ng Mindanao peace process.
Iniulat nitong Lunes ni Army Lt. Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division (ID), na boluntaryong isinuko ng mga may-ari ang mga assault rifles, bolt-action sniper rifles, mga shotgun, mga rocket at grenade launchers at mga pistols sa pakiusap ng mga local executives sa Talitay, mga opisyal ng 601st Infantry Brigade (IB) at ng 1st Mechanized Battalion.
Ang nasabing mga armas ay iprinisinta ni Lt. Col. Betita kay Col. Ricky Bunayog, acting brigade commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, sa turnover ceremony sa government center ng Talitay na dinaluhan ni Talitay Mayor Sidik Amiril at iba pang lokal na opisyal.
Pumayag ang mga residente ng Talitay na isuko na ang kanilang mga hindi lisensyadong mga armas bilang tugon sa Small Arms and Light Weapons Program ng 6th ID at ng tanggapan ni Carlito Galvez, Jr., presidential adviser on peace, reconciliation and unity.
Ayon kay Nafarrete, nagtulungan ang mga local officials sa Talitay na sina Lt. Col. Robert Betita na namumuno ng 1st Mechanized Battalion at Col. Ricky Bunayog, acting commander ng 601st IB, sa pagpapaliwanag sa mga residente ng Talitay ng mga adhikain ng SALW Program kaya nila isinuko ang kanilang mga walang lisensyang mga armas na pandigma.
Mahigit 500 nang M16 at M14 assault rifles, bolt-action rifles, M60 at .30 caliber machineguns, B40 rocket at 40 millimeter grenade launchers ang nakolekta, mula July 2025, ng mga unit ng 6th ID at ng 2nd Marine Brigade mula sa mga residente ng Central Mindanao na tumugon sa SALW Program ng pamahalaan.
- Latest