17-anyos stude ginahasa ng pulis sa bunkhouse
Inalok na ihahatid sa bahay..
COTABATO CITY , Philippines – Isang pulis na may ranggong master sergeant ang nahaharap sa kasong kriminal matapos ireklamo ng isang 17-anyos na babaeng estudyante sa panggagahasa sa loob ng police bunkhouse sa General Santos City nitong Enero 16 ng madaling araw.
Sa report na nakatala sa police blotter at sa mga balita sa mga radio stations sa lungsod at lalawigan sa Central Mindanao nitong Lunes, dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktima at itinuturo na isang pulis na may ranggong master sergeant, miyembro ng Traffic Enforcement Unit ng General Santos City Police Office, ang nangmolestya sa kanya.
Ayon sa mga senior officials ng Police Regional Office-12, agad na inaresto ang suspect para sa interogasyon at imbestigasyon matapos ang paglutang ng estudyanteng complainant.
Sinabi sa mga mamamahayag ni Col. Nicomedes Olaivar, General Santos City police director, na patuloy ang imbestigasyon sa naturang umano’y rape incident at sasampahan ng kaso ang suspek.
Sa salaysay ng biktima sa mga imbestigador, pauwi na sana siya kasama ang mga kaibigan mula Barangay Bula sa General Santos City, nang alukin siya ng suspek na ihahatid ng sasakyan nito sa kanilang tahanan.
Gayunman, imbes na ligtas na iuwi sa kanilang bahay, dinala umano ng nasabing pulis ang dalagitang estudyante sa kanilang police bunkhouse at dito siya pinagsamantalahan sa isa sa mga silid roon.
Nang makauwi ang biktima, agad nitong isinumbong ang masaklap na karanasan sa kamay ng pulis kaya sinamahan siya ng kanyang tiya na magtungo sa police station upang maghain ng kaukulang reklamo.
- Latest