MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 60-anyos na ama matapos siyang pugutan ng ulo, dukutin ang mga internal organs saka tinadtad, at itinapon pa ang puso nito ng kanyang sariling anak kahapon ng umaga sa Tagum City.
Nabatid na nagulantang ang mga residente ng Barangay 1A Gapas, Barangay Madaum, Tagum City nang madiskubre ang sinapit ng biktimang si Loloy Barles, mula sa kamay ng kanyang anak na si Balono Barles dakong alas-6 ng umaga nitong Linggo.
Nagtaka ang kapitbahay na nagkaroon ng gulo sa bahay ng mag-ama kaya tinungo nila ito hanggang sa tumambad ang biktima na naliligo sa sariling dugo at walang ulo habang wakwak din ang tyan.
Dito na humingi ng tulong sa mga pulis ang mga residente at napag-alamang wala rin ang mga lamanloob ng biktima at nadiskubreng tinadtad pa ito saka inilagay ng suspek ang organs sa isang container.
Natagpuan naman ang puso ng biktima sa isang puno nang ihagis doon ng suspek.
Nabatid na gumamit ng itak, kutsilyo at martilyo ang suspek sa pagchop-chop sa katawan ng ama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin narerekober.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Tagum City, Davao del Norte Police Investigation and Detective Management Section, nangyari ang karumal-dumal na krimen matapos na makainom ng kanyang gamot ang suspek na sinasabing may sakit sa pag-iisip.