3 patay, 1 grabe sa napraning na adik!

Lapu-Lapu Map.
Google Map

MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang sinapian ng masamang espi­ritu ang isang 40-anyos na mister na hinihinalang lango sa droga matapos na paulanan ng bala ang mga nakasalubong na bystanders na ikinasawi ng tatlo sa mga ito habang isa pa ang malubhang nasugatan sa lungsod ng Lapu-Lapu City , Cebu nitong Biyernes ng gabi.

Sa ulat, kinilala ni P/Lt. Col. Christian Torres, Spokesperson ng Lapu-Lapu City Police ang mga biktima na sina Ngangang Aying, dead-on-the spot habang ang dalawa pa ay isang 26-anyos na photographer at isang babaeng lending collector.

Patuloy namang isinasalba sa pagamutan ang nasugatang isang 30-anyos na construction worker.

Ang suspect ay naki­lala namang si Eduardo Taghoy, isa umanong drug addict sa kanilang lugar.

Base sa imbestigas­yon, habang nasa bisinidad ng Brgy. Maribago ng lungsod ang mga biktima nang bigla na lamang silang paulanan ng bala ng suspect.

Sa imbestigasyon, unang pinaputukan ng suspect si Aying na agad namatay sa lugar.

Ang mga biktima ay nakasalubong lamang ng suspect sa daan kung saan sinabi nito na may nagbulong umano sa kaniyang tenga na pagbabarilin ang mga taong kaniyang makakasalubong.

Ayon pa sa opisyal, nasakote ang suspect matapos sundan ng mga operatiba ng pulisya nang umuwi sa kanilang tahanan. Nakumpiska sa crime scene ang transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu at isang cal. 45 pistol na ginamit sa pamamaril.

Sa rekord ng pulisya, dati nang naaresto ang suspek sa kaong illegal na droga at nakalabas sa kulungan matapos ang apat na buwan.

Show comments