Nakitang palakad-lakad na nakagapos..
CAVITE, Philippines — Isang negosyanteng Koreano na dinukot ng ilang kalalakihan na naka-deal nito sa bentahan ng kanyang luxury car na Lamborghini Urus ang nasagip nang matagpuang nakagapos habang palakad-lakad sa isang lugar sa Lemery, Batangas, kamakalawa.
Sa ulat ng Lemery Police, ala-1:30 ng madaling araw nang matagpuang palakad-lakad sa kahabaan ng Brgy. Mayasang sa Lemery, Batangas ang Korean national na si Taehwa Kim, 40-anyos, isang cryptocurrency o bitcoin trader at residente ng Lincoln Tower sa Makati City.
Sa salaysay ni Kim sa pulisya, nitong Enero 15 nang maka-deal nito ang isang buyer ng kanyang Lamboghini Urus (NFA 9988) na si alyas JC. Nagkasundo umano sila na magkita sa kanyang condominium unit sa Makati City para sa bentahan ng kanyang sasakyan.
Pagdating umano sa condo ng biktima, nag-
request si JC na i-test drive ang nasabing sasakyan at nagsabi pa na kailangan nilang dumaan sa Lasema Jim Spa dahil sa naghihintay roon ang kanyang attorney.
Gayunman, habang nasa parking area na sila ng nasabing Spa, may tatlong lalaki ang biglang sumulpot at sapilitang isinakay ang Korean sa isang sasakyan at iginapos sa loob saka piniringan ang kanyang mga mata.
Agad nilimas ng mga suspek ang Rolex watch, BDO ATM card, susi ng condominium at susi ng sasakyan ng biktima.
Sa pag-uusap umano ng mga suspek sa loob ng sasakyan, narinig ng biktima na dadalhin siya sa Antipolo City. Tatlong araw umano ang lumipas, muli siyang isinakay ng mga suspek at nagkaroon ng ilang oras ding paglalakbay bago siya ibinaba sa kahabaan ng Diokno Highway sa Brgy. Mayasang, Lemery kung saan siya nakitang naglalakad habang nakatali pa ang mga kamay.