COTABATO CITY, Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang kandidato sa pagka-municipal councilor nang tambangan ng mga armadong lalaki sa Barangay Central Katingawan sa Midsayap, Cotabato bandang takipsilim nitong Sabado.
Ang nasawing biktima ng ambush na kinilalang si Jerry Beltran Dopredo, 46-anyos, ay isa sa mga kandidato para sa Sangguniang Bayan ng Northern Kabuntalan sa Maguindanao del Sur na kalapit lang ng Midsayap na nasa unang distrito ng probinsya ng Cotabato.
Sa magkahiwalay na ulat nitong Linggo ng mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office at ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, sakay ng kanyang motorsiklo si Dopredo patungo sa kung saan nang tambangan at pagbabarilin ng mga armado sa isang liblib na bahagi ng highway ng Barangay Central Katingawan sa Midsayap.
Nang matiyak na napuruhan, mabilis na nakatakas ang mga pumatay kay Dopredo gamit ang isang motorsiklo.
Ayon sa kanyang mga kababayan sa Northern Kabuntalan, dati nang kumandidato sa pagka-chairman naman ng isa sa mga barangay sa kanilang bayan si Dopredo noong 2023 barangay elections, ngunit hindi pinalad na mahalal.
May teorya ang kanyang mga kakilala at ang mga opisyal ng Midsayap Municipal Police Station na may kinalaman sa pulitika ang pagpatay kay Dopredo.