7 sakay ng nawawalang barko sa Cagayan, natagpuan na

BAGUIO CITY, Philippines — Pitong sakay ng isang barkong pangisda na iniulat na nawawala sa karagatang sakop ng Cagayan noong Miyerkules ng nakalipas na linggo, ang ligtas nang natagpuan nitong Biyernes.

Ayon sa Cagayan Public Information Office, Calayan Cagayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Joe Robert Arirao, agad na binigyan ng atensyong medikal ang mga nasagip na kinabibilangan ng limang crew members ng sea vessel Ren-Zen 2 at dalawang pasahero nito kasama ang isang personnel ng Philippine Coast Guard.

Nabatid na natunton ang nawawalang barko nitong Biyernes ng hapon sa karagatan ng Dalupiri Island.

Tiniyak ni Arirao na nag-aantay lang sila na bumuti ang lagay ng panahon sa nasabing lugar para madala ang pito sa mainland Cagayan.

Sinabi ng mga tripulante sa awtoridad ng Dalupiri na nakaranas ng aberya ang Ren-Zen 2 habang naglalayag sa pagitan ng Calayan at Dalupiri sanhi upang dumaong sila pansamantala sa pampang ng Dalupiri Island para kumpunihin ang barko sa tulong ng mga residente roon.

Dagdag ng mga crew, agad silang hu­mingi ng tulong sa lugar dahil walang signal ang kanilang mga cellular phones nang magkaproblema sila habang nasa gitna ng karagatan.

Show comments