Sidecar nakalas, naiwan sa daan
NUEVA ECIJA, Philippines — Anim katao ang patay kabilang ang tatlong bata at dalawang residenteng rescuer na nagtangkang sumagip sa mga biktima matapos mahulog ang nakalas na tricycle sa malalim na bahagi ng irigasyon na puno ng tubig sa Barangay Baloc, Sto. Domingo, dito sa lalawigan, noong Huwebes.
Ayon sa pulisya, tatlo sa mga nasawi ay mag-aaral sa elementarya at kasama nilang nilamon ng irigasyon ay ang kanila umanong tiyahin na sumundo sa mga biktima sa paaralan, mag-aalas-6 ng gabi at siyang nagmamaneho ng tricycle.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na kumalas umano ang flatbar na nagdurugtong sa motorsiklo at sa sidecar nito na naging dahilan sa pagkawala sa kontrol ng manibela ng driver at magdire-diretso sa malalim na irigasyon ang nakalas na motor.
Nakaligtas naman ang apat pang bata na nasa loob ng sidecar ng tricycle na nakalas matapos na bumagsak sa daan, at ang nahating motorsiklo ng tricycle kung saan sakay naman ang tatlo pang bata at driver na tiyahin ay dire-diretsong nahulog sa irigasyon.
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga residente pero minalas na masawi ang dalawa sa mga kanila nang sumisid sa malalim na irigasyon sa pagsisikap sanang sagipin ang mga biktima ng aksidente.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang mga pangalan ng mga biktima, ngunit nabatid na ang dalawang nasawing rescuer ay may edad na 59 at 49 anyos, habang ang tatlong mag-aaral ay may edad umano na 7, 8, at 9 na taong gulang.
Sa ulat, mabilis na nagtulung-tulong ang mga nakatira malapit sa pinangyarihan ng aksidente sa pagsagip sa mga biktima habang hinihintay ang pagdating ng mga rescuer na galing sa Bureau of Fire Protection (BFP) subalit minalas na hindi na umahon ang dalawa sa mga rescuer nang lamunin ng tubig ng irigasyon.
Pahirapan ang ginawang pag-ahon sa mga biktima na kapwa patay nang marekober habang patay rin sa pagkalunod ang dalawang lalaking residente na tumutulong lang sa pagsagip.