Madugong `rido’ ng 2 grupong Moro, tinuldukan na sa Cotabato
COTABATO CITY, Philippines — Dalawang grupo ng mga armadong Moro na may madugong “rido” ang nagkasundo na nitong Martes na muling mamuhay ng tahimik sa Barangay Lagunde sa bagong tatag na bayan ng Tugunan sa probinsya ng Cotabato.
Ang rido o away ng mga angkan, na kinasasangkutan ng mga grupo nila Sabaya Nando at Walu Bungay, parehong commander ng Moro Islamic Liberation Front, ay magkatuwang na naareglo ng mayor ng Tugunan na si Abdullah Abas at mga kasapi ng kanilang municipal council at ng mga opisyal ng 90th Infantry Battalion at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region nitong nakalipas na linggo.
Sa hiwalay na ulat nina Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at Army Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, nangako sa kanilang mayor ang dalawang MILF commanders na kakalimutan na ang kanilang rido at muling mamuhay ng tahimik matapos magkaengkwentro ng ilang beses na nagsanhi ng pagkalagas ng ilan sa kanilang mga tauhan.
Ang away ng mga grupo nila Nando at Bungay, malapit na magkamag-anak, ay nag-ugat sa agawan ng teritoryo at politika.
Lumagda sila sa isang peace covenant nitong Martes bilang suporta sa mga peace and development programs ng municipal government ng Tugunan na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa mga probinsya ng Region 12.
- Latest