LTO ipinatawag ang driver at may-ari ng modern jeep na sangkot sa aksidente sa Bulacan

MANILA, Philippines — Nag-isyu na ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver at rehistradong may-ari ng modern jeepney na sangkot sa aksidente na ikinasawi ng dalawang katao sa Calumpit, Bulacan noong Martes.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay si LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa kaanak ng dalawang nasawi sa insidente.

Ayon naman kay Mendoza, magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang LTO nang mabigyang-linaw kung bakit humantong sa pagkamatay ng drayber at pasahero ng tricycle ang naiulat na pagbangga nito sa modern jeepney.

Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang modern jeep na pagmamay-ari ng Carmess Jeepney Transport Coop hanggang sa kabigin ng driver nitong kinilalang si Orlando Dungan Jr. ang manibela, upang hindi mabangga ang mga kasunod na sasakyan,subalit sinalpok nito ang kasalubong na tricycle at tuluyang nahulog sa tulay.

Sa ipinadala namang SCO, pinahaharap ang drayber at registered owner ng modern jeep sa tanggapan ng LTO Region 3.

Inilagay na rin ng LTO sa alarma ang lisensya ng drayber at plaka ng nasabing sasakyan na tatagal ng 90 araw.

Show comments