71-anyos lola na walang pambayad ng utang, inutas

MANILA, Philippines — Dahilan walang maibayad sa P13,000 utang, buhay ang naging kapalit matapos pagsasaksakin ang isang 71-anyos na matandang babaeng biyuda nang pinagkakautangan nitong mister sa Brgy. Panacol, Aguilar, Pangasinan nitong Miyerkules ng gabi.

Sa inisyal na ulat ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO), kinilala ang biktima na si Lydia Soriano, residente ng nasabing lugar. Ang suspect ay nakilala namang si Ron-Ron Veloria ng Brgy. San Gabriel, Bayambang, Pangasinan.

Base sa testimonya sa mga awtoridad ng ilang kapitbahay ng biktima na nakasaksi sa pangyayari, narinig nilang nagtatalo ang biktima at si Veloria na naniningil ng pautang na P 13,000 sa matanda.

Dahilan walang maibayad ang matanda na umano’y gipit sa pera ay nagkaroon ng argumento sa pagitan nito at ng suspect.

Nagdilim naman ang paningin ng suspect na dahilan sa matinding galit ay pinagsasaksak ang matanda na duguang napalupasay sa insidente.

Agad namang tumakas ang suspect matapos maisagawa ang krimen bagaman nagawa pang maisugod ang biktima sa pagamutan ay idineklara na itong dead on arrival.

Narekober naman ng mga awtoridad sa crime scene ang patalim na ginamit sa pananaksak sa matanda.

Nahaharap naman sa kasong kriminal ang suspect na pinaghaha­nap na ng mga awtoridad.

Show comments