COTABATO, Philippines — Matagumpay na nasagip ng mga Navy personnel nitong Martes ang 121 pasahero at crew ng isang bangka na iniulat na nawawala ng anim na araw habang naglalayag sa karagatan mula Zamboanga City patungong Taganak Island sa Tawi-Tawi.
Sinabi ng mga senior officials ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region kahapon, kabilang si regional director, Brig Gen. Romeo Juan Macapaz, na natagpuan ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao ang nawawalang M/LJ Sayang 1, may 6-nautical miles ng Siklangkalong Island sa Tawi-Tawi.
Base sa inisyal na ulat na tinanggap ng mga opisyal ng Navy unit sa Tawi-Tawi, sinabi ng mga local executives na nag-malfunction o pumalya ang makina ng M/LJ Sayang 1 kaya na-stranded sa gitna ng dagat habang naglalayag malapit sa may Pangutaran Island nitong Enero 8.
Ang nasabing wooden boat ay walang two-way radio at ang crew members ay nag-rely na lamang sa kanilang mobile phones para magpadala ng mga menshae upang makontak ang pantalan sa Tawi-Tawi at sa Zamboanga City, na nagamit lang nila ito nang sila ay makalapit sa mga Isla na may telecommunications relay towers.
Gumamit ang mga Navy men ng mas malaking bangka, ang BRP Jose Loor, Sr, sa pag-rescue at paglilipat sa mga sakay ng nasabing bangka at binigyan sila ng pagkain at inumin, ayon sa mga lokal na opisyal ng Tawi-Tawi.
Agad na isinagawa ang pag-tow o paghila ng BRP Jose Loor Sr sa nasiraang bangka patungong Taganak, na kilala rin sa tawag na Turtle Island.
Matapos ang insidente, nakita at kasama na ng mga nailigtas na pasahero ang kanilang mga pamilya at kaanak sa island municipality. --Joy Cantos