2 patay, 9 missing, 341K katao apektado sa sama ng panahon sa Kabikolan
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Dalawa katao na ang patay habang 9 ang nawawala at mahigit 341,000 katao ang apektado sa Kabikolan dahil sa ilang linggo nang sama ng panahon dala ng shearline at amihan.
Sa ulat ng Office of Civil Defense 5 sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot, isang 18-anyos na magingisda mula sa Tabaco City, Albay ang pumalaot noong Enero 1 kasama ang walong iba pa ang natagpuang bangkay na noong Lunes ng umaga sa baybayin ng Palumbanes Island, Caramoran, Catanduanes.
Isang 53-anyos naman mula sa Brgy. Batang, Irosin, Sorsogon ang nasawi rin makaraang malunod sa Macawayan River.
Walo pang mangingisda mula Albay at Catanduanes ang nawawala at isang 75-anyos na lolo mula sa Brgy. Begonia, Viga, Catanduanes ang patuloy na hinahanap makaraang anurin ng tubig-baha nang subukang tumawid sa ilog sa kanilang lugar.
Sa datos ng OCD-5, nasa 76,088 na pamilya o 341,776 indibidwal ang apektado nang patuloy na pag-uulan sa buong rehiyon lalo na sa mga lalawigan ng Albay, Catanduanes, Camarines Sur at Camarines Norte. Nasa 554 pamilya o 1,846 katao ang dinala sa mga evacuation centers. Mula kahapon ay nasa 65 pa na barangay mula sa 20 bayan sa Bicol ang lubog sa baha habang 32 na kalsada ang hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan dahil sa baha at pagkasira ng 67 na kalsada at tulay.
Nasa 13,377,229 pisong halaga ng food at non-food items ang naipagkaloob na asistensya ng DSWD-5 sa apektadong mga residente sa rehiyon.
- Latest