CAVITE, Philippines — Sinalakay ng puwersa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Cavite Police ang isang POGO hub sa isang resort sa bayan ng Silang, dito sa lalawigan, kahapon.
Ayon kay Cavite Police Provincial Office director PCol. Dwight Alegre, naaresto sa raid ang 29 foreign nationals na karamihan ay Chinese kabilang ang namumuno sa kanila.
Sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang CIDG kasama ang Silang Police, Bureau of Immigration (BI), PAOCC at LGU-Silang dakong alas-3:30 ng hapon laban sa isang POGO hub na matatagpuan sa isang resort sa Brgy. Lalaan 2nd Silang Cavite matapos sumailalim sa ilang araw na surveillance.
Sa paglusob ng grupo sa isang gusali na may apat na palapag sa loob ng ‘di pa tinukoy na resort na nirentahan ng mga suspek, naaktuhan nila ang 29 dayuhan na nagsasagawa ng mga aktwal na pang-i-scam sa pamamagitan ng mga computer para sa mga online transaction. Nakarekober din ang pulisya ng mga iba’t ibang SIM card na hindi bababa sa bilang na 500 piraso.
Ayon kay Alegre, ang nasabing hub ay isang “guerrilla type” na Philippine offshore gaming operations at napag-alaman na anim sa mga suspek ay mula pa sa Myanmar habang ang 23 ay sa Mainland China.