Chinese kidnapper timbog, babae nasagip
Rescue ops sa Cavite nauwi sa habulan
CAVITE, Philippines — Matapos ang mahigit apat na oras na rescue operation, naaresto ng magkasanib na elemento ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), Highway Patrol Group-Calabarzon at Cavite Police ang isang Chinese national na kabilang sa mga dumukot umano sa isang babaeng Chinese na matagumpay na nasagip sa umaatikabong habulan na nagsimula sa Imus City hanggang Kawit at Bacoor City sa Cavite noong Lunes ng gabi.
Sa dragnet operation, naaresto ang suspek na si alyas “Weijiang”, 39-anyos at residente ng Tirona, Bacoor City, Cavite.
Sa ulat sa tanggapan ni Cavite Provincial Director Police Col Dwight Alegre, nakatanggap sila ng report hinggil sa kidnapping incident na naganap sa Clark, Pampanga. Alas-6:30 ng gabi nang dukutin umano ng mga suspek sa Homtown Elavour, Clark Pampanga ang biktimang si alyas “Vivian Cao”, Chinese national, residente ng Clark Hills Village, Mabalacat, Pampanga sakay ng Geeley Coolray na kulay Titanum na may plate number DBP 9116 .
Dito ikinasa ang rescue mission at na-track ng AKG ang sasakyan ng isa sa mga suspek sa Advincula Road, Kawit, Cavite at dumaan din ng EVO Road sa Brgy. Toclong Kawit kaya agad isinagawa ang koordinasyon sa iba pang awotridad.
Tumagal ng may ilang oras ang ginawang habulan hanggang sa makorner ang suspek sa Tirona, Bacoor at matagumpay na na-rescue ang biktima sa Palanas Road, Barangay Anabu 1-G, Imus City, Cavite nitong Lunes ng alas-10 ng gabi.
Narekober din ng pulisya ang mga sasakyan ng mga kidnaper na titanium grey Geely (DBP-9116) sa rescue operation at isa pang SUV get away vehicle na gray Mitsubishi Montero Sport na may plate number MAB4309 at may blinker pa sa loob kung saan dito sana nakatakdang ilipat ang biktima.
Nakuha sa loob ng SUV ang isang baril na Glock 17 na may serial FGT081 na kargado ng walong bala, tissue na may bahid ng dugo, isang 9mm na magazine na kargado ng 12 bala, isang tactical knife, isang posas, isang fashion sling bag, isang pares ng puting Nike shoes, isang itim na LV jacket, isang itim na jogging pants, P900 cash at dalawang susi ng sasakyan.
Ang iba pang suspek ay iniulat na tumakas lulan ng mga hindi tukoy na behikulo patungo sa EVO City sa Barangay Batong Dalig, Advincula Road, Kawit at Bacoor City.
Sa ulat, naharang naman ng security guard ng EVO City ang kotse ng isang suspek at nakasagupa niya ang isang lalaking Chinese looking na armado ng baril sa isang komprontasyon na nagresulta ng kanilang pambuno kaya naiwan ang isang maikling baril na 9mm glock ng isa sa suspek.
Dito, nakatakas ang mukhang Chinese at sumakay sa isang itim na SUV Starex na patungo sa direksyon ng San Sebastian, Imus City, Cavite, kaya pinaputukan ng isang guwardiya ang mga tumatakas na suspek na tumama sa likurang bahagi ng sasakyan.
Nagpapatuloy ang dragnet operation laban sa mga natitirang suspek.
- Latest