AROROY, Masbate, Philippines — Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang binata matapos pagtulungang bugbugin at barilin ng grupo ng SK (Sangguniang Kabataan) chairman sa gitna ng ginagawang sayawan sa plaza ng Brgy. Amoroy, sa Aroroy, Masbate, kamakalawa ng madaling araw.
Dinala sa Rural Health Unit para sa post mortem examination ang bangkay ng biktima na kinilalang si Allan, isang gold panner at residente ng Brgy.Cagara, Baleno. Arestado ng mga rumespondeng pulis ang dalawang suspek na si Moy, 18-anyos; at Jun, 19-anyos; habang patuloy na tinutugis ang chairman ng sangguniang kabataan na si Lino, pawang residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling araw habang magkakasama ay masayang nagsasayawan ang biktimang si Allan kasama ang mga kaibigan nang lapitan ng suspek na si Moy at sa hindi malamang dahilan ay pinagsusuntok ito. Hindi pa nakuntento ang suspek na lumabas ng plaza at pagbalik kasama na ang kanilang SK chairman na si “Lino” at isang nagngangalang “Jun” at pinagtulungang bugbugin pa ang biktima saka binaril sa katawan gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis at tinugis ang tumakas na mga suspek dahilan para maaresto ang dalawa sa kanila habang patuloy na hinahanap ang SK chairman.