Rider, pumalag sa checkpoint, arestado sa baril

MANILA, Philippines — Inaresto ang isang rider nang pumalag at nakipagbuno sa mga pulis na pumara sa kanya sa Comelec  checkpoint sa bayan ng Calumpit.

Kinilala ni Bulacan Police Director PCol. Satur Ediong ang suspek sa alyas Raul habang nakatakas ang hindi nakilalang kasamahan.

Sa report ng Bula­can1st Provincial Mobile Force Company (1st PMFC), nangyari ang insidente alas-8:30 ng gabi nitong Lunes sa Brgy. Gatbuca nang parahin ang magkaangkas sa motorsiklong walang plaka na padaskol-daskol magmaneho at walang suot na helmet.

Sa halip na makiisa ay pumalag ang mga ito at inatake ang pumarang pulis sa lugar hanggang sa magkaroon ng komosyon kaya nakatakas ang isa sa rider.

Nang rekisahin ng mga pulis ang naares­tong suspek ay nakumpiskahan umano ng caliber .38 pistol, dalawang sachets na hinihinalang shabu na may standard drug price na P27,200 at maroon Gialing motorcycle. Nahaharap ang suspek sa patung-patong na kaso habang nasa kostudiya ng Bulacan 1st PMFC.

Show comments