MANILA, Philippines — Isang 25-anyos na lalaking nanunungkit ng mangga ang nasawi matapos makuryente nang madikit ang panungkit nito sa isang live wire naganap nitong Sabado ng hapon sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa mga awtoridad, ang biktima na isang welder na tubong-Silang, Cavite at nanunuluyan sa Agriculture Training Institute (ATI) sa Sta. Barbara ng lalawigang ito.
Base sa pahayag ng mga kasama nito sa trabaho, umakyat sa puno ng mangga ang biktima para mamitas ng bunga.
Habang nagsusungkit ng bunga ng mangga ay aksidenteng nadikit umano sa live wire ang ginagamit nitong panungkit na tubular pipe kaya nakuryente ang biktima at saka nahulog.
Ang biktima ay agad na isinugod sa Urdaneta City District Hospital sa Urdaneta City, Pangasinan, subalit, idineklarang dead-on-arrival.