Tricycle vs truck: 10 sugatan

MANILA, Philippines — Sampung katao ang nasugatan sa naganap na salpukan ng isang tricycle at isang light truck na may lulang mga  isda sa Barangay Palian,Tupi, South Cotabato,kamakalawa.

Kinilala ang mga nasugatan na dinala sa ospital ay sina Almasri Guiapal, driver ng light truck; kanyang mga helper na sina Haron Japal, Johari Moncao, Fahad Mohammad, Mujahirin Bagundang at Saud Macalutang, mga taga Cotabato City.

Habang ang apat na sakay ng tricycle ay kinilalang sina  Raul Dolendo, driver; mga pasaherong magkapatid na Leah at Gemma Osorio at isang lalaking Grade 3 pupil.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ng South Cotabato Provincial Police Office at ng tanggapan ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, agad na naisugod ng mga emergency responders sa mga pagamutan ang 10 katao na mga sakay ng light truck at tricycle na nagsalpukan sa isang bahagi ng General Santos-Koronadal Highway sa Purok 1A sa Barangay Palian, Polomolok.

Ayon sa mga imbestigador ng Tupi Municipal Police Station parehong patungo sa Koronadal City, kabisera ng South Cotabato, ang light truck na may kargang mga sari-saring isda mula sa General Santos City, at tricycle ng maganap ang aksidente.

Bigla umanong sumabog ang gulong sa unahan ng truck kaya ito biglang lumihis at nasapol ang sinusundang tricycle at parehong bumulusok sa malalim na concrete flood ditch sa gilid ng highway.

Show comments