Ama kinidnap 11-anyos na anak, arestado

Arrested stock photo.

MANILA, Philippines — Nabawi ang 11-taong gulang na lalaki mula sa kanyang biological father na tumangay mula sa ­inang labandera bago mag-Pasko, sa follow-up operation sa lalawigan Laguna, noong Enero 9, 2025.

Ipinaaresto ang suspek na si alyas “Joseph”, 39-anyos, ng complainant na si alyas “Ruth”, 30-anyos, sa reklamong mga paglabag sa Violence Against Women and Their Children Act (Republic Act 9262) at Article 250 (Kidnapping and Failure to Return a Minor) ng Revised Penal Code sa “Sumbong Nyo Aksyon Agad” TV program, sa Camp Crame,  Quezon City at ini-refer sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng  Parañaque City Police Station.

Nadakip ang suspek, alas-9:30 ng gabi ng Enero 9, sa isinagawang follow-up operation at pakikipag-ugnayan sa Laguna Provincial Police Office.

Sa sumbong ng ni Ruth, dumanas siya ng emotional abuse sa suspek simula noong 2019 kaya hiniwalayan ito.

Disyembre 20, 2024, alas-4:00 ng hapon nang puntahan ni Joseph si Ruth sa laundry shop sa Trece Martires, Cavite  at pinagbigyan na mahiram ang anak sa pangakong ibabalik sa araw ng pasukan ng klase subalit hindi natupad, at sa halip sinabihan siya na ligtas na maibabalik ang kanilang anak kung makikipagbalikan siya.

Matapos ang documentation isinailalim sa direct filing ang reklamo sa  Parañaque City Prose­cutor’s Office at nang matanggap ang impormasyon mula sa kamag-anak na namataan ang mag-ama sa Sta. Rosa, Laguna ay isinagawa ang operasyon at naaresto ang suspek.

Show comments