SARIAYA, QUEZON, Philippines — Hindi akalain ng pamilya ng isang mister na ang pagpapahangin nito sa labas ng kanilang bahay ang magiging mitsa upang ito ay mamatay matapos na pagbabarilin ng motorcycle riding-in- tandem kamakalawa ng hapon sa Sitio Sinigwelasan, Barangay Janagdong 2 sa bayang ito.
Ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si “Allan”, 50, may-asawa, magsasaka at residente sa nasabing lugar.
Nakilala naman ng mga saksi ang mga tumakas na suspek na sina “Ariston”, 47, at “Jose”, 42, parehong mga tsuper at mga residente ng Barangay Guisguis San Roque.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-5:30 ng hapon ay nagpaalam ang biktima sa kanyang mga kapamilya na lalabas lamang ng bahay upang magpahangin.
Habang nakatayo umano ang biktima ay biglang dumating ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Pagkakita sa mga suspek ay tumakbo ang biktima subalit hinabol siya at nang abutan ay pinagbabaril hanggang mamatay.
Tinutugis na ang mga salarin upang sampahan ng kaukulang kaso kasabay ng pagtukoy sa motibo sa krimen.