Opisyal ng security agency, tinodas ng tandem

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 56-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang nakaupo sa isang vulcanizing shop, kama­kalawa ng hapon sa Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite.

Kinilala ang nasawing biktima na si Dennis Buena Tan, negosyante,  Marketing Officer ng Paceer Security Agency at residente ng Villa Elena, Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City, Cavite.

Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na magkaangkas sa hindi naplakahang motor na nakasuot ng itim na  ­jacket, itim na  maong pants may suot na belt bag, rubber shoes at naka-face mask habang ang isa pa ay naka-longsleeve na sublimation t-shirt at asul na maong pants.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1:30 ng hapon ay nakaupo ang biktima sa JRJ Vulca­nizing Shop, Brgy. Salitran 3, Dasmariñas City at hinihintay na maayos ang kanyang gulong na kanyang pina-vulcanize.

Nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang mga suspek at dito ay lumapit sa biktima at walang kaabog-abog na pinagbabaril. Nang masi­guro ng mga suspek na napatay nila ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga ito.

Show comments