MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang sumuko sa mga awtoridad sa Esperanza MPS, Brgy Poblacion, Esperanza, Masbate kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga sumuko bilang sina alyas Dado, 55; Titing, 40; at Endo, 42, pawang mga magsasaka at miyembro ng Milisyang Bayan mula sa Brgy Baras, Esperanza, Masbate, sa ilalim ng pamumuno ni Rogelio Suson a.k.a Manong, na aktibong nag-o-operate sa ikatlong distrito ng Masbate.
Batay sa ulat, naganap ang pagsurender matapos ang serye ng negosasyon at pagpapakalat ng impormasyon ukol sa pinaigting na kampanya laban sa insurhensiya at ng patuloy na ugnayan ng R-PSB Team Baras ng Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company katuwang ang Esperanza MPS sa mga lokal na residente .
Kaugnay nito, ikinagagalak ng pamunuan ng Masbate Police Provincial Office ang kanilang pagsuko na itinuturing na mahalagang tagumpay sa layunin ng pamahalaan na wakasan ang armadong labanan sa probinsya, habang nagbibigay ng bagong oportunidad sa mga sumuko na.