MANILA, Philippines — Pinatawan na ng 18 buwang suspensyon ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs (DESLA) ng Office of the President ang sina Abra Governor Dominic Valera at anak nitong si Vice-governor Maria Jocelyn V. Bernos dahil sa “administrative misteps” sa pangangasiwa sa pagpapalit noong 2023 ng isang yumaong Sanguniang Bayan member ng Bucay, Abra.
Nakasaad sa desisyon ng DESLA matapos ng pagsusuri, napatunayang “administratively liable” ang mag-ama sa “grave misconduct, abuse of authority and conduct prejudicial to the best interest of the service,” na nag-ugat sa reklamo ni Febes Alzate Palcon, may bahay at biyuda ni Bucay Sangguniang Bayan member Juan S. Palcon.
Inireklamo ng byuda sa Office of the President na iligal ang pagpapanumpa sa nabakanteng posisyon ng kanyang kabiyak na inindorso noon ni Governor Jocelyn Valera-Bernos at labag sa probisyun ng Local Government Code. Sa kalaunan ay kinatigan din nito nang siya ay nanungkulan bilang Bise Gobernador ng Abra.
Una nang pinatawan ng preventive suspension ng DESLA ang mag-amang Gobernador at bise-gobernador noong Disyembre 2024 habang nakabinbin ang pinal na desisyon sa reklamong inihain ni Palcon.
Binigyan-diin ng DESLA na inaasahang tatalima at mahigpit na tutugon ang mag-amang Valera at Valera-Bernos sa mga panuntunan at probisyon ng Local Government Code sa mga opisyal nilang gampanin, partikular na sa nominasyon at pagtatalaga ng “substitute member” ng Sanggunian Bayan na inihalal ng mga mamamayan ng Bucay.
Nakasaad din sa desisyon na ang kanilang pagnomina at pagtatalaga ng hindi kwalipikadong indibiduwal sa ilalim ng Local Government Code at ang kanilang pagkukulang na tugunan ang unang substitution na inihain ni Palcon sa kabila ng pagtugon nito sa mga proseso at requirements sa ilalim ng batas, ang sumira sa integridad ng kanilang pinanghahawakang tanggapan.
Ang desisyon ng DESLA na ipinalabas noong Enero 8, 2025, ay nilagdaan ni Atty. Anna Liza G. Logan, ay tinanggap ng Legal Service of the Department of Interior and Local Government.