COTABATO CITY, Philippines — Isang ginang na sakay ng motorsiklo at kakahatid lang ng anak sa paaralan, ang walang awang napatay sa ambush sa Barangay Sudapin, Kidapawan City, Cotabato kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Kidapawan City Police Office nitong Biyernes, sakay ng kanyang motorsiklo si Mae Angeline Agapay Batingkay, pauwi na mula sa Suerte Elementary School, nang tambangan ng dalawang lalaki sa isang bahagi ng isang kalye sa Barangay Sudapin.
Agad na namatay sa mga tama ng bala si Batingkay, residente ng Brgy. Magsaysay, Kidapawan City, sanhi ng naturang pananambang.
Mabilis na nakatakas ang mga pumatay sa biktima gamit ang isang motorsiklo.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Kidapawan police force at ng Cotabato Provincial Police Office kung sino ang mga pumatay kay Batingkay upang masampahan ng kaukulang mga kaso.