MANILA, Philippines — Umaabot sa P10.2 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa isang drug personality sa isinagawang buy-bust operation sa Cebu, Miyerkules ng gabi.
Ang suspek na si alyas Reymond, 43, Barangay Subangdaku ay dinakip sa buy-bust operation bandang alas-8 ng gabi sa F. E. Zuellig Street, Barangay Subangdaku, Mandaue City.
Nakuha sa suspek ang 9 na supot ng shabu na may timbang na 1.5 kilogram, ang buy-bust money na ginamit sa operasyon, isang mobile phone at backpack.
Agad na dinala sa PNP 7 (Central Visayas) Regional Forensic Unit ang mga ebidensiya na sasailalim sa chemical analysis. Nahaharap naman ang suspek sa kasong Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.