MANILA, Philippines — Isang lalaking buko vendor na nagpanggap na miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) ang inaresto ng mga otoridad sa aktong nangingikil sa mga riders at mga dumadaang sasakyan sa Parklane Subd., Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Lawrence, nasa hustong gulang, residente ng Phase 1, Parklane Subd. Brgy. San Francisco General Trias City, Cavite.
Batay sa ulat ng pulisya, alas-10:30 ng gabi nang puntahan ng mga pulis ang suspek sa lugar dahil sa mga sumbong na ito ay nagpapakilalang miyembro ng HPG.
Naka-uniporme pa ang suspek ng HPG uniform at naka-jacket din na may tatak ng NBI nang abutan ng mga pulis na nangingikil ng pera sa mga motorista na dumadaan.
Nang sitahin mga pulis ay naging arogante umano ang suspek at sinapak nito si Police Chief Master Sergeant Erlan Demate ng PHPT, Cavite Camp Pantaleon Garcia, Imus.
Nakipag-agawan din ito ng baril kay Demate na aksidenteng pumutok at nasapol sa dibdib ang suspek na itinakbo sa hospital at kasalukuyang inoobserbahan. Nahaharap sa patong-patong na kaso ang nasabing suspek.