Baha, landslide bumulaga sa Bicol, klase at trabaho sinuspinde

Ilang lugar at barangay sa Sorsogon City at sa city proper ng lungsod ang lumubog sa baha kahapon dahil sa magdamag at maghapong buhos ng ulan dahil sa shearline.

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kabi-kabila ang nangya­ring pagbaha at landslides sa ilang bahagi ng Bicol Region dahil sa malalakas na bagsak ng ulan sanhi ng shearline kahapon dahilan para magsuspinde ng klase at trabaho lalo na sa lalawigan ng Albay.

Madaling araw pa lamang ay hindi na madaanan ng anumang uri ng sasakyan ang kahabaan ng Maharlika National Highway sa Brgy. Rizal, Sorsogon City at hindi rin madaanan ng anumang light vehicles ang Brgy. Bibincahan dahil sa gatuhod hanggang baywang na tubig-baha dahilan para maantala ang biyahe ng mga patungong Matnog Port na patawid ng Visayas at Mindanao Regions at maging ang papuntang Kamaynilaan.

Sa sentro mismo ng naturang lungsod ay binaha at ilang barangay ang nagpatupad ng evacuation dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig. Binaha naman ang bahagi ng highway sa Brgy. Mabanate, Pilar, Sorsogon.

Sa Albay ay inatasan ni acting Gov. Glenda Ong Bongao ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang localized suspension ng face-to- face classes sa lahat ng level at sinuspindi ang trabaho sa mga sangay ng gobyerno.

Bumaha sa ilang lugar sa Legazpi at isang bahagi ng bundok sa Brgy. Buragwis ang nagkaroon ng landslide. Ilang mga bayan pa sa lalawigan ang bumaha lalo na sa bayan ng Manito na hindi madaanan ang kanilang highway dahil sa umapaw ang kulay putik na tubig-baha sa spillway.

Ilang barangay sa bayan ng Sto. Domingo, Albay ang nagkaroon din ng landslide at rockslide.

Show comments