MANILA, Philippines — Binalaan ng Task Force Kanlaon ang mga pamilyang bakwit ng pagputok ng Kanlaon volcano sa Negros Island na hindi pa sila ligtas na magsibalikan sa kanilang mga tahanan na nasa 6 kilometer extended danger zone.
“As much as possible, we at the Office of Civil Defense, along with other government agencies like Phivolcs, don’t want you to be in trouble,” babala ni Raul Fernandez, Chairman ng Task Force Kanlaon at Director ng Office of Civil Defense (OCD) Western Visayas.
Binigyang diin ni Fernandez na pabagu-bago ang aktibidad ng bulkan kaya hindi ito dapat na ipagsawalang bahala para sa kaligtasan ng mga pamilyang bakwit.
Tinukoy ng opisyal ang pagputok ng Mt. Pinatubo sa Botolan, Zambales noong 1991 matapos ang 600 taon ng pananahimik ng bulkan na lumikha ng malaking pinsala.
Sinabi ni Fernandez na hindi dapat ipag-alala ng mga evacuees ang kanilang kabuhayan dahil mas higit na importante ang kaligtasan ng mga ito at maging ng kanilang mga pamilya.
Nabatid na pinahihintulutan na ang mga evacuees na bisitahin ang kanilang mga lupain at pananim mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon pero dapat humingi muna ang mga ito ng permiso sa mga awtoridad para mamonitor kung ilang mga indibidwal ang nasa “danger zone”.