1,300 pulis mula Region 3 idedeploy sa Pista ng Nazareno
CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga, Philippines — Nasa 1,300 miyembro ng Police Regional Office 3 ang ipapadala sa Maynila upang masigurong ligtas at maayos ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno bukas, Enero 9.
Ayon kay PBrig. Gen. Redrico Maranan, regional director ng PRO3, ang mga tauhan ay ipoposisyon sa Quirino Grandstand para sa tradisyunal na Pahalik at sa iba’t ibang entry at exit points sa Metro Manila.
“Ang layunin ng deployment na ito ay tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at kapayapaan ng lahat ng dadalo sa aktibidad,” ani RD Maranan.
Bilang suporta sa NCRPO, binigyang-diin ni RD Maranan ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga kapulisan upang matiyak ang tagumpay ng seguridad sa kapistahan.
“Ang PRO3 ay nakahandang tumulong sa NCRPO sa pagsiguro ng kaayusan at kaligtasan ng Pista ng Itim na Nazareno. Ang ating pagkakaisa at aktibong koordinasyon ay susi upang maging maayos at ligtas ang pagdiriwang na ito,” aniya.
Bagama’t wala namang nakikitang seryosong banta kaugnay sa kapistahan, iginiit ng PNP ang kanilang kahandaan upang matiyak ang seguridad sa lugar.
- Latest