37 pagyanig naitala sa Bulkang Kanlaon
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Bulkang Kanlaon sa Negros ng 37 volcanic quakes sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala rin sila ng pagluwa ng 3,639 tonelada ng asupre sa bulkan at nasa 500 metrong steam plume na nalusaw sa may direksyon ng timog kanluran ng bulkan.
Bunsod nito, ikinatwiran ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng bulkan ay mananatiling nasa ilalim ng alert level 3 ang Kanlaon.
Aniya, wala silang nakikitang downtrend para ibaba ang alert level status ng bulkan at may posibilidad pa rin ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Dulot nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil sa posibleng pagsabog ng bulkan, ashfall at lahar flow kung makakaranas ng mga pag-ulan sa lugar.
- Latest