SAN JUAN, Batangas, Philippines — Namatay ang babae na isa sa mga suspek sa pag-chop-chop sa babaeng PWD (person with disability) sa Barangay Barualte, San Juan, Batangas matapos silang pagbabarilin ng apat na armadong lalaki sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang ginang na si Teodora Galora Galino, 53-anyos, habang sugatan at ginagamot sa ospital ang kinakasama nitong si Arcangel Armamento Patal, 53-anyos.
Ayon sa ulat ng San Juan Police, alas-10:51 ng gabi habang nasa loob ng kanilang bahay ang dalawa nang biglang dumating ang apat na suspek at pinagbabaril sila ang dalawa gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek, na ayon sa report ng pulisya, dalawa sa kanila ay may katungkulan sa barangay.
Ang mag-live in partner ang sinasabing pangunahing suspek sa pag-chop-chop sa PWD na si Mary Jane De Los Reyes na natagpuan ang mga sunog na putol-putol na katawan na nakahalo sa mga inuling na kahoy ng mag-live in partner noong Disyembre 16, 2024.
Inaresto ng mga awtoridad ang dalawa subalit pinalaya rin matapos na walang naisampang kaso sa kanila.