Batas sa ‘Benguet Day’ nilagdaan ni Pangulong Marcos
LA TRINIDAD, Benguet, Philippines — Opisyal nang ipagdiriwang ang “Benguet Day” kada Nobyembre 23 matapos na lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12099.
Ang RA 12099, na ganap na isinabatas ng Pangulo nitong Disyembre 13, 2024 ay naglalagay sa Nobyembre 23 kada taon bilang “special non-working holiday” sa lalawigan ng Benguet na kikilalanin na “Benguet Day” bilang komemorasyon sa araw ng pagkakatatag ng probinsya.
Pinaliwanag ni Benguet lawmaker Eric Go Yap na siyang may akda ng hakbang na ang November 23,1900 ay ang makasaysayang araw nang maitatag ang unang civil government sa Benguet.
“We’re elated with the enactment of this into law, finally, kinikilala na ng batas ng Pilipinas ang Nov. 23 bilang holiday sa Benguet in commemoration of our birth. Alam naman ng lahat na talagang November 23 natin sini-celebrate ang Benguet Day at by filing this Bill, I would like to give proper recognition sa pinagmulan ng ating probinsya,” pahayag ni Rep. Yap.
Ipinunto ng mambabatas na ang mayamang kasaysayan ng Benguet ay nagpapakita na bagama’t ang mamamayan nito ay may iba’t ibang grupo, tribo at kultura, maganda ang kanilang samahan at nagkakaisa sila simula pa sa pagkakatatag ng lalawigan.
Dagdag ni Yap, ang deklarasyon ng Nob 23 bilang special non-working holiday sa Benguet ay bilang selebrasyon sa founding anniversary ng nasabing probinsya.
- Latest