COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang barangay chairman sa Salibo, Maguindanao del Sur at isang kagawad sa Dumalinao, Zamboanga del Sur sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril nitong Biyernes.
Unang napatay hapon ng Biyernes ng mga armadong kalalakihan si Kamram Abubakar, barangay chairman ng Sambulawan, Salibo, isang magulong bayan sa Maguindanao del Sur.
Sa pahayag nitong Sabado ng opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), pinatay si Abubakar mismo sa loob kanilang bakuran ng mga salarin, gamit ang mga pistol at agad na tumakas sa kalagitnaan ng kaguluhang sanhi ng mga putok na umalingawngaw sa kapaligiran.
Ayon kay Police Brig. Gen Romeo Juan Macapaz, director ng PRO-BAR, may inisyal na pahayag na sa mga imbestigador ang mga kamag-anak at kakilala ni Abubakar na wala silang alam na kagalit nito at hindi rin siya sangkot sa anumang “rido” o away ng mga angkan na mga Moro.
Ang pagpaslang kay Abubakar ay nasundan ng pagkasawi ni Michael Virallo sa isa pang insidente ng pamamaril sa Purok Mangga sa Barangay Upper Dumalinao sa Dumalinao, Zamboanga del Sur.
Si Virallo, barangay kagawad sa Upper Dumalinao, ay naglalakad sa madilim na lugar sa Sitio Mangga sa naturang barangay ng tambangan ng mga armado, binaril ng labing dalawang beses at iniwang wala ng buhay.